Ang Pitong huling wika ni Hesus...ayon sa buhay ko



Medyo seryoso ako ngaun, dapat lang kasi ang hirap ng walang mouse ang computer, sira kasi :)
Ito ang mga karanasan ko sa buhay, nakakatamad man basahin, dahil di nyo naman ako kakilala, basahin nyo na rin kasi sabi ko! :)...

1. "Ama, patawarin mo po sila sapagkat di nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34)

     Naranasan ko na rin ang muntik ng mademanda, dahil sa bagay na wala akong kinalaman...nakatanggap ako ng panlalait at mga salitang sobrang nakasakit at nakapagpababa ng pagkatao ko. Lumaban ako ng patas at napatunayan din ang katotohanan, kadalasan natatapakan ka dala lang kahirapan, di ako nagmamalinis, marami din akong nagagawan ng kasalanan, pero ang mahalaga e ung marunong kang magpatawad at humingi ng tawad.

2. "Sinasabi ko sa iyo, ngayon din ay isasama kita sa paraiso." (Lucas 23:43)

       May mga kakilala ako dati na di pumupunta ng simbahan, wala naman daw ung halaga. Dahil sa mahal ko sila, sinama ko sila sa simbahan para masanay, ang tatamad kasi. Ngaun regular na silang nagsisimba kahit di ko na sila kasama, nagkikita kami sa simbahan :). Di naman ako nagpapakabanal no, salbahe kaya ako, pero nahikayat ko silang mag grow kahit konti no :)
       
3. "Babae, narito ang iyong anak. . . .Lalaki narito ang iyong Ina." (Juan 19:26-27)
       Pinilit kong maging tunay na ina sa stepdaughter ko na si Rozen, kaso parang di ako tagumpay dun, dami ko ding mali. Ni minsan di nya ko natanggap, un e ayon sa pakiramdam ko, masakit...alam ng Diyos kung papano ko binigay lahat, pero ganun e. Alam ko kulang pa ang nagawa ko, kaya siguro binigay ni Lord si Abbie sa akin para maituloy ko ang pagiging tunay na ina kahit di sya nanggaling sa akin..yan siguro ang misyon ko, gampanan ang pagiging ina kay Abbie.

4. "Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?." (Mateo. 27:46)

       March 2012 ng nakatanggap kami ng foreclosure demand letter galing sa NHMFC, binigyan lang ako ng 10 days para ayusin un. Bakit ba naman kasi di na kami nakabayad sa bahay, six years na, mula ng nabawasan ang trabaho ko, humina ang kita, pero lumaki ang gastos. Nilabas ko na lahat ng pera at nagkautang-utang na ako, para maiayos ang problema. June 2012 ng ma-ospital ang asawa ko at naoperahan sa NKTI, wat??? ano to delubyo?...Pakiramdam ko pinabayaan ako ng Diyos, pinabayaan Nya tong mangyari. Pero alam nyo, sa pagkakataon na to nalaman ko na di Nya kami pinabayaan, mas pinakita Nya na kahit kailan di Nya kami kinalimutan at di pinabayaan...sa katunayan kami ang nakalimot at kami ang nagpabaya kaya to nangyari.

5. "Nauuhaw ako." (Juan 19:28)

       June 15, 1993, nanganak ako sa panganay kong si Maria, stillbirth, lumabas sya na patay na. pagkalipas ng isang taon, nakunan naman ako..."Hindi Nya ako mahal", yan ang salitang nasabi ko sa nanay ko. Ayaw Nya kong bigyan ng anak, marami dyan nagpapalaglag o kaya tinatapon nila anak nila, pero bakit ako ayaw Nya bigyan...Pero nagkamali ako, katunayan binigay Nya sa akin si Redd na napakabuti, mapagmahal, at napaka-talinong bata at may bonus pa, si Abbie...Mahal Nya ko!

6. "Naganap na." (Juan 19:30)

       Para sa akin ang naganap na e, ung katungkulan ko sa nanay ni Abbie, na si Rozen, napagtapos ko sya ng pag-aaral, minahal, inalagaan...pero di ko alam kung ano ang kulang at naging mali ko. Tapos na ang obligasyon ko sa kanya, pero ang pagmamahal ng pagiging isang ina sa kanya ay mananatili habang ako ay nabubuhay.

7. "Ama, sa iyong mga kamay inihahabilin ko ang aking espiritu." (Lucas 23:46)

      Marami sa atin ang takot mamatay, pero ako takot din, pero slight lang :)...basta ang hiling ko lang sa Kanya e wag muna ngaun, pag tapos na si Redd sa pag-aaral baka pwede na. Sana lang maging karapatdapat ako sa kaharian Nya.

Kanya kanya tayo ng klase ng buhay, paniniwala at pananampalataya, mga sakripisyo, mga hirap at mga biyaya. Mahirap sumunod sa buhay ni Kristo, lalo na tao lang naman tayo. Pero sa bawat hakbang natin sa buhay na to, alam natin na kasama natin Sya...o di ba, seryoso talaga!..teka kain lang ako ng halo-halo ang init e...tara kain tayo!  ;)

Comments

Popular posts from this blog

Isa munang patalastas! :)

...palaspas